OSAKA – Dumating na sa bansa ang unang batch ng bakuna laban sa COVID-19 na gawa ng U.S. biotechnology company Moderna Inc. noong Biyernes.
Bahagi ito ng supply agreement ng gobyerno ng Japan sa Moderna para sa 50 milyong doses ng bakuna na sapat para sa 25 milyong katao.
Lumapag sa Kansai International Airport sa Osaka Prefecture ang eroplano na may dalang Moderna COVID-19 vaccine mula sa Brussels, Belgium. Lulan ito ng Japan Airlines.
Ayon sa gobyerno, gagamitin ito sa mass inoculation sites na bubuksan sa Tokyo at Osaka sa Mayo 24.
Inaasahan na makakatulong ang pagdating ng bakuna para mapabilis ang vaccination drive ng bansa sa gitna ng muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 dito.
Tinatayang ibibigay ng Japanese health ministry ang fast-track emergency approval para sa bakuna ngayong buwan. Matatandaang nagsumite ang Takeda Pharmaceutical Co., ang Japanese partner ng Moderna, ng aplikasyon para rito. - FJJ