latest

Duterte Humingi ng Paumanhin Matapos Magpaturok ng Sinopharm COVID-19 Vaccine

MANILA – Nag-sorry si Pangulong Rodrigo Duterte dalawang araw matapos magpabakuna ng Sinopharm COVID-19 vaccine na wala pang Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Ito ay kasunod ng mga batikos na ibinato ng ilang eksperto na nangangambang baka ito ay gayahin ng iba.

Tanging Compassionate Special Permit (CSP) pa lang ang na-issue ng FDA para sa Sinopharm sa kahilingan ng Presidential Security Group (PSG).

“We are sorry that we committed the things that you are criticizing us for. We accept responsibility. At ako mismo nagpaturok, well, it’s the decision of my doctor. Anyway, it’s my life,” ani Duterte.

Depensa ng pangulo, wala siyang nilabag na batas sa paggamit ng Sinopharm.

“Maybe it’s not acceptable to them but it’s legal actually. When the government allowed it to be used for compassionate use, that itself was an authority for people to be injected,” giit niya.

Gayunman ay sinabi ng pangulo na kinausap na rin niya ang Embahada ng China upang bawiin ang lahat ng donasyong bakuna ng Sinopharm sa bansa.

“Sinabi ko kay Ambassador criticized nila kasi hindi nga dumaan ng examination ‘yong Sinopharm, sabi ko tanggalin mo na lang. You withdraw all Sinopharm vaccines, 1,000 of them. Huwag ka na lang magpadala ng Sinopharm dito para walang gulo. Sabi ko ibigay mo lang sa amin ‘yong Sinovac na ginagamit sa lahat,” aniya.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magtatabi ng isang dose ng Sinopharm na ituturok muli sa pangulo para makumpleto ang kanyang dosage nito. - Florenda Corpuz

(Photos courtesy of King Rodriguez/Presidential Photo)