latest

Japan, Nangunguna pa rin Pinagkukunan ng ODA ng Pilipinas

MANILA – Nangunguna pa rin ang Japan sa pinagkukunan ng Official Development Assistance (ODA) ng Pilipinas noong 2020.

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), umabot sa USD 11.2 bilyon halaga ng loans at grants o katumbas ng 36.4 porsyento ng kabuuang ODA ng Pilipinas na nasa USD 30.7 bilyon ang nagmula sa bansang Hapon.

Pumangalawa naman ang Asian Development Bank sa pinagkukunan ng ODA loans ng bansa sa USD 8.8 bilyon o 28.5 porsyento habang pangatlo naman ang World Bank sa USD 6.4 bilyon o 21.0 porsyento.

Pinapangasiwaan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang ODA loans mula sa gobyerno ng Japan.

Base sa ODA Portfolio Review Report for CY 2020 ng NEDA, binubuo ng 30 program loans, 76 project loans at 251 grants ang aktibong ODA portfolio ng Pilipinas. Kabilang dito ang 59 loans at grants na nilagdaan noong nakaraang taon na binubuo ng 20 program loans (USD 8.2 bilyon), 14 project loans (USD 2.9 bilyon), at 25 grants (USD 140 milyon).

Pinakamalaking parte nito ang napunta sa governance at institutions development sector na umabot sa USD 5.0 bilyon (45 porsyento). Sinundan ito ng social reform at community development sector (31 porsyento) habang pangatlo naman ang infrastructure development sector (16 porysento).

Base sa ulat, mayorya nito ay inilaan para sa COVID-19 response ng gobyerno tulad ng procurement at delivery ng mga bakuna, emergency cash assistance program, pagbili ng medical supplies at equipment, at pagtatayo ng isolation at quarantine facilities. - Florenda Corpuz