MANILA/TOKYO – Sinigurado ni Prime Minister Yoshihide Suga ang pagbibigay ng gobyerno ng Japan ng suportang pinansiyal sa Pilipinas para matulungan ang bansa na matugunan ang laban nito kontra novel coronavirus.
Sinabi ito ni Suga sa kanyang pakikipag-usap kay Pangulong Rodrigo Duterte sa telepono Miyerkules ng gabi.
Binanggit ng lider ng Japan na “he would spare no effort for the Philippine Government's response to COVID-19” at inanunsyo ang 20 bilyong yen na suportang pinansiyal ng kanyang gobyerno sa pamamagitan ng Post Disaster Stand-by Loan.
Inalok din ni Suga kay Duterte ang cold-chain development assistance na nagkakahalaga ng isang bilyong yen para sa maayos na paghahatid at pag-iimbak ng mga bakuna kontra sa nakakamatay na virus.
Nagpasalamat naman ang presidente ng Pilipinas para sa tulong ng Japan upang labanan ang pandemya, kabilang ang 20 bilyong yen na una nang naaprubahan mula sa 50 bilyong yen na Post-Disaster Standby Loan.
Nakatakdang ibigay ng Japan ang 20 bilyong yen sa Pilipinas sa darating na Hunyo sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Ang nasabing loan ay may repayment period na 40 taon kasama ang grace period na 10 taon at may fixed interest rate na 0.01% per annum.
Sa kanilang pag-uusap ay muli rin pinagtibay ng dalawang lider ang kanilang mga pangako na lalong palakasin ang ugnayan ng Japan at Pilipinas ngayong ipinagdiriwang ng dalawang bansa ang 65 taon ng normalisasyon ng bilateral diplomatic ties at isang dekada ng pinagpatibay na strategic partnership.
Nitong Mayo ay kinansela ng gobyerno ng Japan ang nakatakda sanang pagbisita ni Suga sa Pilipinas upang tugunan ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa. - Florenda Corpuz