latest

Pangakong Y20B Suportang Pinansiyal ng Japan sa Pilipinas, Naibigay na

MANILA – Natanggap na ng Pilipinas ang 20 bilyong yen na pangakong suportang pinansiyal ng Japan para matugunan ng bansa ang laban nito kontra COVID-19.

Ayon sa pahayag na inilabas ng Embahada ng Japan sa Maynila, nakuha ito ng gobyerno ng Pilipinas ngayong araw, Martes, sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Matatandaang binanggit ito ni Japanese Prime Minister Yoshihide Suga sa kanyang pakikipag-usap kay Pangulong Rodrigo Duterte sa telepono noong Mayo 19.

Ito na ang pangatlong tranche sa ilalim ng 50 bilyong yen na Post-Disaster Standby Loan Phase 2 (PDSL 2) na nilagdaan ng dalawang bansa noong Setyembre 15, 2020. Naibigay ang unang tranche na 10 bilyong yen noong Oktubre 27, 2020 para sa pandemic response ng bansa, habang ang second tranche naman na 10 bilyong yen ay ibinigay ng gobyerno ng Japan Enero ng taong kasalukuyan para sa pinsalang dulot ng mga bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.

“This third and latest disbursement under the PDSL 2 is intended to further augment the GOP’s COVID-19 war chest, especially now that the Philippines continues to show signs of recovery following the lifting of the Enhanced Community Quarantine (ECQ) in the NCR Plus reimposed on March 29,” anang Embahada.

Ang nasabing loan ay may repayment period na 40 taon kasama ang grace period na 10 taon at may fixed interest rate na 0.01% per annum.

Bukod sa PDSL 2, naglaan din ang gobyerno ng Japan ng 50 bilyong yen na pautang sa gobyerno ng Pilipinas sa ilalim ng COVID-19 Crisis Response Emergency Support Loan (CRESL) Hulyo ng nakaraang taon. Dagdag pa rito ang dalawang bilyong yen na grant aid para sa procurement ng mga kagamitang medikal at pagtatayo ng mga laboratory surveilance sites sa bansa, pati na rin isang bilyong yen na cold-chain development assistance para sa maayos na paghahatid at pag-iimbak ng mga bakuna kontra novel coronavirus na inalok ni Suga kay Duterte. - Florenda Corpuz