latest

Siyam sa 47 Prepektura ng Japan, Sakop na ng COVID-19 State of Emergency

TOKYO – Nasa siyam na prepektura na sa buong bansa ang sakop ng kasalukuyang state of emergency na idineklara ng gobyerno dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng novel coronavirus.

Kabilang dito ang Tokyo, Osaka, Kyoto at Hyogo na isinailalim sa deklarasyon noong Abril 25 at magtatapos sana noong Mayo 11. Pinahaba ito hanggang Mayo 31 dahil sa pagdami ng mga naitatalang kaso ng bagong variants ng COVID-19 at pinalawak kasama ang Aichi at Fukuoka.

Nitong Biyernes ay inanunsyo rin ni Prime Minister Yoshihide Suga ang pagsasailalim sa Hokkaido, Okayama at Hiroshima sa hakbang na ito simula Mayo 16 hanggang sa katapusan ng buwan.

Samantala, hiniling ni Gifu Gov. Hajime Furuta kahapon sa central government na mapasailalim na rin sa deklarasyon ang Gifu.

Ito na ang pangatlong state of emergency na idineklara sa bansa simula nang mag-umpisa ang COVID-19 pandemic. - Florenda Corpuz