latest

Pag-apruba ng Japan sa Moderna, AstraZeneca Dedesisyunan sa Huwebes

TOKYO – Magpupulong sa Huwebes ang expert panel ng health ministry upang magdesisyon kung aaprubahan ang paggamit ng mga bakuna kontra COVID-19 na gawa ng U.S. biotechnology startup na Moderna Inc. at British drugmaker na AstraZeneca PLC sa bansa.

Kung bibigyan ng panel ang mga bakuna ng green light ay inaasahan na iisyuhan ito ng health ministry ng special approval sa Biyernes.

Base sa mga clinical trials, ang Moderna COVID-19 Vaccine ay 94.1 porsyento epektibo laban sa virus habang ang Vaxzevria naman na gawa ng AstraZeneca ay nasa 70 porsyento ang bisa matapos ang tig-dalawang dosis ng mga ito.

Inaasahan na gagamitin ang Moderna COVID-19 Vaccine sa mga mass vaccination centers na bubuksan sa Tokyo at Osaka mula Mayo 24 para sa mga mamamayan na nasa edad 65 pataas. Papangunahan ng mga medical staff ng Self-Defense Forces ang operasyon ng mga ito.

Pag-aaralan naman ng mga opisyal ng health ministry kung sino ang maaaring bakunahan ng Vaxzevria matapos ang mga napaulat na kaso ng blood clots sa mga pasyente na naturukan nito sa ibang bansa.

Sa kasalukuyan ay tanging ang COVID-19 vaccine lamang ng U.S. drug giant na Pfizer Inc. at German partner nito na BioNTech ang aprubado sa bansa. - Florenda Corpuz

(Photo courtesy of AstraZeneca, University of Oxford)