latest

Japan, Pilipinas Magdo-donate sa COVAX Para sa Pantay na Suplay ng Bakuna

MANILA/TOKYO – Magbibigay ng karagdagang donasyon na $800 milyon ang Japan habang $1 milyon naman ang ipinangako ng Pilipinas sa COVID-19 Vaccine Global Access (COVAX) Facility para suportahan ang pantay na access sa bakuna ng mga mahihirap na bansa sa buong mundo.

Inanunsyo ito nina Prime Minister Yoshide Suga at Pangulong Rodrigo Duterte sa ginanap na Gavi COVAX Advance Market Commitment (AMC) Summit noong Miyerkules.

Pinangunahan ni Suga ang online meeting katuwang si Gavi Chair of the Board José Manuel Barroso.

Una nang nagbigay ng $200 milyong kontribusyon ang gobyerno ng Japan sa COVAX. Sa kabuuang $1 bilyon na donasyon nito, ang Japan ang pangalawa sa pinakamalaking donor sunod sa Estados Unidos.

“When circumstances allow and at an appropriate time, Japan intends to provide around 30 million doses of vaccines manufactured in the country to other countries and regions, including through the COVAX Facility,” dagdag pa ni Suga.

Kabilang naman sa mga kalahok ng virtual summit ang mga lider ng 40 bansa kasama si Duterte.

“It is our moral responsibility to help each other and face this crisis with greater solidarity and urgency. While modest, our contribution demonstrates our firm commitment to this global fight against COVID-19,” anang pangulo.

Nakalikom ng $8.3 bilyon ang summit mula sa mga gobyerno ng iba’t ibang bansa at pribadong sektor.

Layon ng COVAX na makapaglaan ng 1.8 bilyong dosis ng bakuna kontra COVID-19, sapat para sa 30 porsyento ng populasyon ng mga mahihirap na bansa, ngayong taon. - Florenda Corpuz