latest

Japan, Tutulong sa Pilipinas Para Masugpo ang Tumataas na Kaso ng COVID-19

MANILA – Nakikipagtulungan ang Japan International Cooperation Agency (JICA) sa mga institusyong pangkalusugan sa Pilipinas sa pagpapahusay ng disease surveillance upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Bumubuo ang JICA, katuwang ang Department of Health (DOH), ng technical cooperation project na layong mapalakas ang kapasidad ng mga laboratoryo sa pamamahala ng mga sakit at biosafety.

"The COVID-19 crisis reminds nations of the strengths and weaknesses of public health systems. By working with JICA's existing institutional partners in the Philippines, we aim to help develop a roadmap as well as manuals and training modules to boost the Philippines' response strategies," pahayag ni JICA Philippines Senior Representative Ayumu Ohshima.

Nagbigay ang JICA ng mga kagamitan sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at San Lazaro Hospital upang mapahusay ang testing capacity, masuportahan ang disease surveillance at mapagbuti ang COVID-19 data management ng bansa.

Nakatakda rin magbigay ng mga suplay ng medisina ang JICA sa mga DOH drug treatment and rehabilitation centers para mabawasan ang exposure at impeksyon sa mga nasabing pasilidad.

"One way to go forward is to help improve the Philippines' laboratory and surveillance network to help the Philippines also prepare for future public health crisis," dagdag pa ni Ohshima.

Una nang nagbigay-suporta ang JICA sa COVID-19 response ng Pilipinas sa pamamagitan ng 50-billion yen COVID-19 Crisis Response Emergency Support Loan at 50-billion yen Post-Disaster Standby Loan 2. - FJJ